Hindi ko lubos maintindihan kung
bakit kung kailan mo sila pinakakailangan, yun din ang panahon na iiwanan ka
nila sa ere. Kahit anong rason ang sabihin ko sa sarili ko na baka masyado lang
silang abala kung kaya’t hindi sila makapaglaan ng panahon sa akin, hindi ko pa
rin maintindihan. Masakit man isipin, pero wala akong magawa. Umiyak man ako’t
magmakaawa, wala’t wala pa rin.
Talagang masakit lalo na’t
tinuring mo pa naman silang malapit at tunay na kaibigan. Hindi ko maipaliwanag
sa sarili ko kung bakit ito nangyayari. Masama ba akong kaibigan? May nagawa ba
akong mali? Kung meron man, sana naman sabihin nila sa akin.
Sabi nila, nagmamalasakit sila.
Pero bakit hindi ko madama? Hindi ba’t ang pagmamalasakit ay ginagawa at
ipinaparamdam, hindi lang sinasabi? Kung tunay ngang may malasakit sila sa
akin, bakit hindi nila ako kayang harapin at kausapin man lang?
Masakit talagang isipin na ang
taong pinaghuhugutan mo ng lakas, ang siya ring taong hihila sa iyo pababa at
iiwanan kang mag-isa. Hindi naman ako mangmang para hindi makaintindi kung
talagang ayaw niyo na sa akin. Madali lang naman akong kausap.
Kung kaya’t ito na lang ang
masasabi ko sa inyo (kung sino man kayo), salamat. Salamat sa lahat ng
naibahagi niyo sa akin. Sa pagiging kaibigan ko sa maikli man o mahabang
panahon. Salamat sa panahong iginugol niyo sa akin at sa mga aral na ipinamalas
niyo sa akin. Ang lahat ng ito’y habang buhay kong tatanawin. Sana’y mapatawad
niyo rin ako sa mga pagkukulang ko sa inyo. Alam kong hindi ako perpektong tao,
ngunit sana’y malaman niyo na ginagawa ko naman ang lahat na kaya kong maibigay
sa ngalan ng pagkakaibigan. Kung kaya’y kung sakali mang kulang pa ang lahat ng
iyon at kung may pagkakamali man ako sa inyo sana’y mapatawad niyo rin ako.
Ayokong magpaalam…
0 comments:
Post a Comment